top of page
SULYAP exhibit text.png

Magkakaiba. 

 

Iba't ibang karanasan, iba't ibang disiplina, iba't ibang estilo, iba't ibang paleta, iba't ibang gunita. Ang isa ay sulyap sa kinagisnan, isa naman ay sa alaala, habang ang isa ay nililingon ang kasaysayan. Mayroon ring sumusulyap papaloob, sa pag-aalab man o pagsadsad ng damdamin, at sa mga bagay na kinikimkim.

 

Una nang nagtanghal ang mga artists na ito sa Vancouver. Ang ilan sa kanila'y nagpapabalik-balik sa Canada at Pilipinas, at ang ilan naman ay pirmi sa Maynila habang paminsan-minsang naglalakbay para ibahagi ang sining sa ibang bansa. Sa marami pang pagkakataon, panahon at lokasyon, sila ay nagtitipon, nagsusuportahan, nagbabahaginan ng kani-kanilang buhay kasabay ng kagyat na pag-alalay sa isa’t isa.

 

Hindi binabalak ang koneksyon ng imahe sa konteksto at hindi ninanais ang pagpapatingkad ng sari-sariling pagsisining sa eksibisyong ito. Bagkus ito ay isang selebrasyon, ngunit hindi ng estilo o estetika, hindi rin ng konsepto o tema, at marahil masasabing hindi rin ng mismong sining biswal. Ang pinatutungkulan ng eksibisyon ay ang sining ng ugnayan at pagpapahalaga sa mga kasinining. Dito ang sining ay ang mismong pagsasama-sama. Dito ang sining ay ilustrasyon ng tugmaan ng mga manlilikha na pinagniningas ng pagkakaibigan. 

 

Hindi na sinusubukang ipaliwanag ang lalim ng nabuong komunidad. Hindi na rin susubuking sukatin ang maraming puwang ng henerasyon at pinagmulan. Sapagkat walang hinihinging paliwanag ang pagkakaibigan at hindi nasusukat ang lalim ng koneksyon sa ano mang paraan. Sadyang magkakaugnay, sadyang malalim, sadyang simple. Sa kasimplehan nga ng ugnayan, lalo pang nagiging mayabong ang patuloy na pagtutulungan at pagsuporta sa isa't isa. Binibigyang diin ang pakikisama, pakikipagkapwa-tao at pagpapahalaga sa pagbubuklod bilang mga alagad ng sining at alagad ng buhay.

 

Hagip ng eksibisyong ito ang malinaw na identidad, intensyon at proseso ng bawat isa. Sulyap lamang ito sa ilang taon o dekada ng panunumpa ng panahon at sarili sa pagsisining. Hindi man nakakagulat, sadyang nakamamangha pa ring masulyapan ang natural na paghahabi ng magkakaiba at tila ring magkakasalungat na obra. Tunay ngang kapag bukal at matapat ang pagsisining at pagkakaibigan ng bawat isa, napupunuan ang mga puwang, nalalapatan ang mga kulang, lahat ay lalong kumininang. 

 

Magkakaiba. Iba't ibang edad, iba't ibang danas, iba't ibang hangad, iba't ibang lakbay-aral. 

 

Magkakaiba... pero nakabubuo ng koneksyong angkop para sa isa't isa. Kapag magkakasama ay nahihitik, lumalago at sumasaya. Hindi kaiba sa pamilya, hindi ba?

 

Avie Felix

© 2024 by vMeme Contemporary Art Projects

Alabang and Pasig City, Philippines

  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok
bottom of page